Kolehiyo ng Medisina, sumama sa mga mag-aaral, iba’t ibang sektor sa pagkundena ng Batas Militar

Nina Diego Mina (Class 2021) at  Leandro Salazar (Class 2022)

 

Ginugunita ang pagdeklara ng Batas Militar noong panahon ni Pangulong Marcos tuwing ika-21 ng Setyembre. Ang panukalang ito ang naghatid sa bansa ng pinakamadilim na bahagi ng kasaysayan nito, puno ng pangungurakot, pandarahas, at pagpatay. Taliwas sa mga pahayag ng mga pulitiko na nakalimot na ang mga tinaguriang ‘millennials’, sama-samang nakiisa ang mga mag-aaral at empleyado ng iba’t ibang kolehiyo ng UP Manila sa kilos protesta. Ipinakita nilang hindi makakalimot ang bagong henerasyon sa mga naganap at naranasan ng mga Pilipino noong panahon ng rehimen.

Si Omid Siahmard ng Class 2021 ang nagpadaloy sa programang naganap sa harap ng Bulwagan ng Calderon. Pinalawig ni Siahmard ang dahilan ng pagkikilos na nagaganap; na ginugunita hindi lang ang pagdeklara noon ng Martial Law noong 1972, kundi ang kasalukuyang nangyayaring katulad din nito–ang Martial Law sa Mindanao, at ang “practical Martial Law” sa Luzon at Visayas. Binanggit nya ang pagkapatay sa pitong kabataang Tausug na pinagkamalang Abu Sayyaf Group, ang patuloy na pagkapatay sa mga magsasaka sa kanayunan, at ang patuloy na karahasan sa mga urban poor sa war on drugs.

“Martial Law places military authority over civilian authority. If the military is already abusive and does not side with the people even without Martial Law, what more when there is? We see poor lives as disposable; mas apektado tayo pag kapwa estudyante na ang apektado. Mahalagang di lang isyu ng kabataan at estudyante ang makita natin, kundi pati isyu ng kababayan nating naghihirap,” ani niya.

 

Sinimulan ni Leandro Salazar, tagapangulo ng Medicine Student Council ang mga panawagan:

“Narito tayo ngayon ‘di lamang upang tutulan ang karahasang nakikita sa telebisyon, kundi pati ang karahasang ‘di natin naririnig: karahasan ng kakulangan sa basic services. Kaya tayo nandito dahil alam natin na ‘di nakukulong sa loob ng apat na sulok ng silid-aralan ang laban para sa tunay na kalusugan. Kailangan natin iparinig sa gobyerno ang panawagan para sa quality affordable, healthcare, na ‘di na kailangan dumaan pa sa Malasakit Center, sa Philhealth, at kahit saan ka pumunta may health care center at health care provider na mapupuntahan.”

 

Ang sumunod na nagsalita ay si Julienne Bautista, tagapangulo ng Pangkalusugang Lingkod Bayan. Pinasalamatan nya ang lahat ng mga dumalo. “Ang ating pag-aaral ay ‘di dapat maging hadlang sa ating edukasyon,” wika niya.

 

Ang huling tagapagsalita ay si Raphael Santiago ng Kolehiyo ng Pampublikong Kalusugan, na konsehal din ng University Student Council. Pinag-usapan nya ang patuloy na karahasan sa pag-devolve at pag-defund ng sistemang pangkalusugan at edukasyon, pati na rin ang “Gyera Kontra Droga”. “Nakikita natin sa war on drugs ni Duterte na di nya balak solusyonan ang problema ng adiksyon. Ang kailangang solusyon sa adiksyon ay rehabilitasyon, pero ang sinasagot ay bala.Patuloy na karahasan ang sinasagot sa pangangailangan ng bayan imbis na pagbibigay ng batayang serbisyo.”

Sa pagtapos ng programa, kinilala ni Siahmard ang mga martir ng Calderon, ang mga martir ng Kolehiyo ng Medisina: sina Bobby de la Paz, Johnny Escandor, at iba pang mga naglingkod sa batayang masa at lumaban sa karahasan ng Batas Militar. Pinugayan nya si Jo Lapira, mula sa UP Manila, na piniling lumubog sa batayang masa at minasaker sa isang ambush. “Sa ating pagsigaw, sa ating pag-alala, binibigyan natin ng hustisya ang kanilang pagkamatay.”

 

Pagkatapos ng maikling programa, nagtungo na ang grupo sa Padre Faura upang salubungin ang grupo mula sa Kolehiyo ng Agham at Sining bago nagtungo sa Luneta Park para sa United People’s Action.

Sa Luneta, nagsagawa ang Pangkalusugang Lingkod Bayan ng mga pagpupulong upang isagawa ang educational discussion tungkol sa dahilan kung bakit may rally. Nagpatuloy ang programa sa Luneta hanggang sa gabi, kahit na nagkaroon ng mga pabugso-bugsong ulan.

 

 

Hawak ng mga estudyante ng mga puting kolehiyo ang tarpaulin at ang mga panawagan

Ang bulto ng mga puting kolehiyo naglalakad patungong Kolehiyo ng Agham at Sining

 

Pagsasanib-pwersa ng buong UP Manila

 

Lee Daniel Suelan bilang isa sa mga mass leader ng bulto mula sa Kolehiyo ng Agham at Sining

Di mapipigilan ng ulan ang mga estudyante ng medisina sa pagtutupad ng kanilang mga tungkulin, sa paggamot man ng pasyente o sa paglaban sa tiraniya

 

Leave a Reply