Kaba sa Bakuna: Tama o Mali Ba?

by Noel Angelo S. Sarrosa (UPCM 2020)

Kamakailan lang ay naging mainit na usapan ang Dengvaxia, isang bakuna laban sa dengue na itinakda ng nakaraang administrasyong Aquino na isama sa pambansang programa para sa bakuna. Sa ilalim ng pamumuno ni dating Health Secreatary Janette Garin, maaaring higit sa 800,000 na bata ang nabigyan ng bakuna na ito. Ngunit, sa pag-aaral ng World Health Organization (WHO) at iba pang mga eksperto, maaaring malalagay sa panganib ang mga batang hindi pa nagkaroon ng dengue bago magpabakuna.

Dahil dito, maraming kumakalat na balita at sabi-sabi sa mga mamamayang Pilipino na hindi lang Dengvaxia ang delikadong bakuna na ibinibigay ng gobyerno sa kanilang programa. Ngunit, ano nga ba ang tama at mali ukol sa mga bakuna na itinuturok sa atin?

  1.   Mataas ang posibilidad na magdudulot ng sakit ang pagbabakuna.

MALI

Dahil sa balita na nakakapagdulot ng malalang sakit ang Dengvaxia, kumakalat ang balita na maaari rin ito mangyari sa ibang binibigay na bakuna. Ngunit, malaki ang kaibahan ng mga bakuna na ito sa Dengvaxia dahil dumaan sila sa masusing pagsisiyasat, kung saan nagkulang o hindi pa sapat naman para sa Dengvaxia. Matagal nang ipinapatupad ng Department of Health (DOH) ang tamang patakaran sa pambansang pagbabakauna, at hindi dapat ito matigil dahil lang sa iisang bakuna.

Hindi dapat magkaroon ng sakit ang bata pagkatapos itong bakunahan; gayumpaman, minsan ay nagkakaroon din ng mga masasamang epekto o tinatawag na ‘adverse effects’ dahil sa mga mga salik na hindi alam ng mga eksperto kahit sinisigurado nila na hindi delikado ang mga ito, o dahil sa maling paraan ng pagbibigay ng bakuna. Ilan sa mga sintomas ay ang lagnat, sipon, pantal-pantal o “rashes” sa anumang bahagi ng katawan. Kung magkaroon ng ganito ang bata, mabuti at magpakonsulta agad sa health center kung saan siya nabakunahan.

Sa pangkaraniwan na kalagayan, mas nakakatulong ang pagbabakuna sapagkat tinutulong niya ang katawan ng bata na malabanan ang sakit.

  1.   Hindi ko kailangan bakunahan ang mga anak ko dahil marami namang nagpapabakuna kaya maiiwasan pa rin ang magkasakit.

MALI

Ang ganitong pag-iisip tungkol sa bakuna at mga sakit ay delikado dahil, kung lahat tayo ay ganito mag-isip, lahat ng bata ay madaling magkakasakit. Upang maiwasan ang sakit sa isang komunidad, dapat halos lahat ng tao dito ay nabakunahan laban sa mga nakakahawang sakit na posibleng kumalat sa komunidad na iyon.

  1.   Mahal magpabakuna, kaya hindi na dapat ipabakuna ang anak.

MALI

Ang pagbabakuna ay isa sa mga programa ng gobyerno, na kahit mahirap o mayaman ay kaya itong pakinabangan. Ang bawat Miyerkules ay nakatalaga upang makakuha ng bakuna ang mga nangangailangan sa mga Barangay Health Center. Hindi man sadlang ang pera upang magpabakuna, dapat ay mabakunahan sa tamang panahon ang mga bata at mga nagdadalang-tao. Ito ay upang maiwasan magkasakit at maospital, na siguradong magdadala ng mas malalaking problema pagdating sa gasutsin at kumplikasyon sa kalusugan.

  1.   Hindi dapat pinagsasabay ang mga bakuna dahil hindi ito kakayanin ng katawan ng bata.

MALI

Kahit hindi lahat ng bakuna ay pwedeng ipagsabay, mayroong mga bakuna na kayang ibigay sa iisang turok. Upang mapadali ang pagbigay sa mga bata na gustong maiwasan ang sakit ng maraming turok, gumawa ang mga eksperto ng magkakasamang bakuna, tulad ng bakunang 5-in-1 (Pentavalent), o limang bakuna na ibinibigay sa isang turok lamang. Hindi dapat ito kinatakutan dahil sinigurado ng mga eksperto na ang ganitong mga bakuna ay ligtas para gamitin sa tao. Magandang sulitin ang mga ganitong bakuna upang mabawasan ang sakit na nararanasan ng bata.

Higit sa lahat, huwag matakot lumapit sa doktor upang magtanong tungkol sa mga paniniwala sa bakuna. Sa halip na katakutan o mawalan ng tiwala sa mga ito, dapat tayo ay sikapin na magtanong, lalo na pag hindi tayo sigurado kung ano ang tama o mali.

Erratum: The first question has been revised with the correct information.

Leave a Reply